Tagalog news: P68M pondo mula sa AusAID, ipagpapatayo ng mga gusaling paaralan sa Rizal

LUNGSOD NG ANTIPOLO, Rizal, Hulyo 1 (PIA) — Mahigit na P68 milyon grant ang ipinagkaloob ng Australian Agency for International Development (AusAID) sa pamahalaang panlalawigan ng Rizal para sa pagpapatayo ng mga gusaling paaralan.

Sa ilalim ng programang Classrooms Construction Initiative-School Building Project for Basic Education (CCI-SBP4BE) ng Department of Education (DepEd), may kabuuang 12 gusaling paaralan ang itatayo sa iba’t ibang elementarya at sekondaryang pampublikong paaralan sa lalawigan.

Ang two-storey, four-classroom school building na ipatatayo ay nagkakahalga ng mahigit sa P5.7 milyon at kumpleto sa pasilidad kabilang ang palikuran ay inaasahang makababawas sa kakulangan ng silid-aralan sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

Para sa unang grupo ng mga paaralang makikinabang mula sa inisyatibong ito, lima ang mga paaralang sekondarya habang pito naman ang mga paaralang elementarya na matatagpuan sa mga bayan ng Baras, Binangonan, Rodriguea (Montalban), San Mateo, Tanay at Taytay. Ang bayan ng Rodriguez ang nakakuha ng pinakamalaking bahagi ng tulong pinansyal mula sa AusAID at magkakaroon ng 24 karagdagang silid aralan na may palikuran ang bawat isa.

Ang mga nasabing benepisyaryong paaralan ay ang Paenaan Elementary School sa Baras; Susana Madrigal Elementary School sa Binangonan; San Isidro National High School, San Isidro Elementary School, Amityville Elementary School, Kasiglahan Village National High School, Kasiglahan Village Elementary School at Macabud Elementary School sa Rodriguez; San Mateo National High School (Guinayang Annex) at Sto. Niño Elementary School sa San Mateo; Tanay East National High School sa Tanay at Muzon National High School sa Taytay.

Tinanggap ni Rizal Gob. Jun Ynares ang naturang proyekto at pinapurihan ang AusAID para sa tulong at inisyatibo nito, na inaasahang makatutulong ng malaki sa kasalukuyang agresibong programa sa pagpapatayo ng mga gusaling paaralan na sinimulan niya nang maupo bilang gobernador noong 2007.

Naniniwala si Gob. Ynares sa kaunlarang pantao bilang susi tungo sa kaunlarang pang-ekonomiya at sa progreso, kaya’t ito ang dahilan kung bakit nai-prayoridad ng batang gobernador ang edukasyon sa kanyang 12-point development agenda na nakapaloob sa slogan na “Only what is BEST FOR RIZAL.”

At dahil dito, itinanghal ang lalawigan ng Rizal bilang Pangunahing Lalawigan sa Kaunlarang Pantao ng United Nations Development Programme (UNDP), sa tatlong sunud-sunod na ginawang pagpili nito. (CPG-PIA4A)
-http://www.pia.gov.ph/news/index.php?article=631372659695

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s